Friday, May 1, 2009

Natutunan Ko Ng Umalis Ka?

Nang iniwan mo ko sa pagkakataong mas kailangan kita, ano nga ba ang mga natutunan ko? Ano nga ba ang mga nagbago sa buhay ko? At ano nga ba ang naging epekto nito sakin?

Natuto akong makipag textmate. Jologs na gawain. Ni minsan wala sa hinagap ko na asamin kong magkaron ng textmate. Pero mula ng iniwan mo ko, winelcome ko ang mga jologs na walang magawa sa buhay nila kundi ang magubos ng load. Naging ka clan nila ako. Naging adik din at walang ginawa kundi makipag chickahan at makipag ubusan ng load sa mga taong hindi ko naman kilala. Pero, kahit punong puno ng kaplastikan, sa pakikipagtextmate pansamantala kong natutunan na limutin ang sakit na dinulot ng pag iwan mo sa akin. Aaminin ko, sa ka jologsan kong ito, naka pag move on ako. Hindi man lubos, pero natutunan kong unti unting tanggapin na dapat patayin ang natitira pang pagasa na balikan mo pa ako.

Nakilala ko sina Hinder, 3 Doors Down, Nickelback, Dishwalla, The Fray, Red Jampsuit Apparatus at Chemical Romance. Masarap din palang mag head bangers instead na umiyak. At masarap din pala sa tenga ang maghapong pakikinig mula sa mp3. Na kahit halos lowbat na, pipilitin pa ring i charge wag lamang mabakante ang utak ko. kailangan ko kasi ang musika, maghapon magdamag, dahil bigla ka nalang lilitaw sa isip ko kapag isang segundo lang na katahimikan ang dumaan. Ewan ko nga ba kung bakit. Anim na daan at pitumpu’t isang araw ko ng iniisip ang sagot dyan.

Nakalimutan ko na nga rin ang kantang How did You Know, The Gift at Let the Love Begin. Mga kantang walang mabuting idinulot kundi pamamaga ng mata ko. Itinapon ko na rin ang mga pirated CD kong Side A, Freestyle at Gary V. Masama silang ehemplo para sa mga taong nagdurugo pa ang puso.

Marami na nga rin pala akong lugar na narating at gimik na naattendan. Always updated sa latest gig. Nakikisayaw, nakikikanta, nakikikain, at nakikipag puyatan sa kalsada. Kung dati, hindi ko alam ang alas onse, ngaun sa kalsada ko nakikilala sina alas tres at alas kwatro. Minsan masarap ding maranasan kahit masakit sa ulo ang makita mong sumisikat ang araw gayong hindi ka pa naman natutulog.

Naging sporty at adventurer na rin ako. Bowling, swimming, gym at extreme rides ang bago kong favorite ngaun. Masarap din sa pakiramdam ang isigaw na lang ang sakit habang nasa Space Shuttle ka. Masarap magpaka lunod habang naalala kita. At masarap itapon ang mga ala ala mo habang ngddumbells ka.

Naging ambisyonera na rin ako. Gusto ko maranasan ang lahat. Gusto ko marating ang buong Pilipinas. Gusto kong magawa ang mga bagay na hindi ko nagagawa nuon. Gusto ko mabili ang mga latest gadgets ngaun....Gusto kong higitang gawin ung mga nagagawa mo. Gusto ko.....kapag nakita mo na ko ulit, magulat ka, dahil hindi na ako ang dating ako.

Natutunan ko rin na isang napakalaking kasinungalingan nga talaga ang happy ending. Nag doubt tuloy ako kung may happy ending nga talaga sa mga fairytales. Baka naman kasi hindi pa tapos ang story nila at pinublish na ng mga hacker katulad ng Twilight. Isa nga lang talagang napakalaking imahinasyon ang pagiisip na may happy ending ang lahat. Isang desperate thinking lang ng mga taong umaasa.

Naging public enemy ko na rin ang ulan. Kasabay kasi ng malakas na pagiyak ng langit, eh ang pagtulo naman ng luha ko. Sa love radio ko nalaman na ang tawag pala dun eh Seasonal Affective syndrome. Kaya kapag umuulan, asahan mo na, ang Ym status ko eh- SAS. Sa mga panahon na malamig at maingay ang langit, lalong tumitindi ang pagnanais ng isip ko na maisip ka. Hindi ko rin alam kung may scientific explanation para dun. Kung kasama ba sya sa Law of Physics or Gravity? Dahil nahihila ng ulan ang luha ko mula sa kinalalagyan nya.O.... dahil umuulan ng huli kitang makita. kasabay ng pagdilim ng langit ang paglabo ng kinabukasan ko ng magpaalam ka. Kasing lakas ng kulog at kidlat ang naghuhumiyaw na katotohanang hindi na maaring muli kitang mayakap at matawag na mahal. Yon nga siguro ang dahilan kung bakit ayaw kong umuulan.

Naaalala kita.

Oo maraming nagbago sakin. Minsan nga hindi ko na rin kilala ang sarili ko. Masama man o mabuti ang ibinunga ng pag iwan mo sakin, iisa lang ang sigurado ko.....that....i am not the same person anymore. Na kahit anong gawin ko upang ibalik ang sarili ko sa dati, pilit pa rin akong hinihila ng ala ala mo, upang dalhin sa panibagong ako. Walang kaparis ang sakit na ginawa mo...parang isang sugat ng may diabetis. Matagal gumaling. Minsan naapektuhan na rin ang buo mong sistema. pag-iisip at pakiramdam ay bigla na lang naging manhid. Hindi ko rin masisi ang mga taong tumatalon sa billboard at umiinom ng muriatic acid. Kapag sobrang sakit, hindi mo na alam kung ano ang tama at ang mali. Hindi mo alam kung ano ang dapat mong gawin. Kung magpapatalo ka o lalaban ka.

Alin man sa dalawa...masasaktan ka pa rin.



"Alam mo ba kung gaano kalayo ang pagitan ng dalawang tao pag nagtalikuran na sila? Kailangan mong libutin ang buong mundo para lang makaharap ulit ang taong tinalikuran mo."

No comments:

Post a Comment