nung una kong marinig na magkakaroon daw ng high school grand alumni reunion, isa lang ang sagot ko...ah okay. ganun lang, simple lang. sa dinami-dami naman kasi talaga ng plano na magkaroon ng isang homecoming, sanay na kong madalas makarinig ng mga "uyy, may reunion daw". pero hanggang dun lang. nakumbinsi ko lang ang sarili kong totoo ang lahat ng magsimulang bumaha ng announcement ang FB ko. parang lahat excited. parang lahat gustong makisama, maki-involved, maki-balita at maki-epal.
pero para san nga ba talaga ang reunion? kadalasan, nagdadalawang-isip pang pumunta ang iba. losyang na daw kasi. mataba o payat. walang maipagmamalaki. hindi nakatapos. walang pera. tinatamad o ayaw makita ung kinakaasaran nya mula pa first year. sa kabila ng napakaraming suporta na nakikita ko sa FB, alam kong marami ang naaalangan pang dumalo.
hindi ba masarap sa pakiramdam ung makita mo ulet ung crush mo? o ung naging barkada mo at kopyahan mo tuwing may test? hindi ba't magandang alalahanin ung pagtambay nyo para magkwentuhan at magtsimisan habang kumakain ng banana que at palamig? ung pagka-cutting classes nyo dahil walang assignment. may sasarap pa ba sa pagku-kwentuhan nyo tungkol sa pag donate ng pangbasketball na bola para lang makapasa? o kaya ung panonood ng stage play kung saan halos mawalan na kayo ng boses sa kakatili at kakasigaw tuwing lalabas si Florante at pagkatapos maggagala sa mall? naaalala mo pa ba kung pano ka naiyak, pinaiyak at pinakaba kapag may graded recitation? at kung paano ka hindi pinapapasok kapag wala kang project? o ung pagdalhin ka ng floorwax at basahan para mapakintab mo ang sahig pagkatapos pagsusuotin ka ng shoe rug?
marami kang rason para pumunta. hindi lang pagyayabang sa kung anong natapos mo o kung anong titulo ang nakakabit sa pangalan mo ngayon, hindi lang dahil sosyal ka na o dahil may laptop at iphone ka na. O kaya'y may bestfriend ka na pulitiko o may tsikot na. hindi mahalaga kung anong course ang natapos mo at iskul na pinaggradweytan mo o opisinang pinapasukan mo ngayon. kungdi kung paano mo nahubog ang personalidad mo bilang isang tao at kung paano ka nagsumikap para marating mo ang kung anong meron ka sa ngayon. nanay ka man o tatay o single pa, trabahador o manager, engineer o tindero, yumayaman o naghihirap, sa huli iisa lang din naman ang magiging tingin sa'yo...
kung pano ka nagpahalaga at lumingon sa pinanggalingan mo.
reunion? tara na? kita kits tayo!.
No comments:
Post a Comment